Pinagbintangan siyang nagnakaw ng iPad–isang kasalanang hindi niya ginawa. Para siyang aswang—usap-usapan din ang kanyang kapitbahay sa Pandan, Antique karugtong ang sabi-sabi na pumapatay ito sa kanilang lugar. Sa pelikulang “John Denver Trending” ni Arden Rod Condez, tinalakay ang ugnayan ng teknolohiya at kwentong-bayan—sistematikong suliranin sa usapin ng hustisya, uri, at moralidad.
Buhay pa rin ang mga problema ng nakaraan sa kasalukuyan. Ang simpleng pagtanod sa social media ay katumbas ng kawalan ng paninindigan sa anumang dalawang nagtutunggaling isyu. Ngunit hindi lamang ito ang usapan, ang diin ay kung wala at ayaw mong pumanig, nasa kampo ka ng mapaniil.
Dahil sangkot ka sa buhay ni John Denver. Sa iyong pag-upo sa sinehan, nararamdaman mo ang inis, hirap, at higit, pagkakasala dahil sa kabuuan ng pelikula, wala kang ginawa. Harap-harapan nang nilalapastangan ang karapatan ng mga bata. Iminulat ka sa katotohanang ikaw ay may pribilehiyo bilang isang tao dahil nakaupo ka lang naman gayundin malakas ang internet mo sa selpon.
Bahagi si John Denver ng atrasadong komunidad kung saan kahit mga batayang pangangailangan ay hirap pang makamtan. Sa isang kubo, pinagkakasya nila ang kanilang mga sarili. Tanging radyo lang ang pinagkukunan ng impormasyon. Sa panahon ng kagipitan, ang mga tulad ni John Denver ang araw-araw ay humaharap sa mukha ng kahirapan, doble ang dagok ng krisis.
Mahusay na naikahon ang mga puntong ito sa teknikal na mga aspeto ng pelikula. Mahusay na nasilip ng mga tao sa mata ng aswang ang pelikula sa mapaglarong galaw ng sinematograpiya nito. Sa una ay kalmado ngunit parang aswang na bigla-biglang umaatake. Tulad ng mental health, walang mukha at walang pasubali ang pag-atake.
"Ang simpleng pagtanod sa social media ay katumbas ng kawalan ng paninindigan sa anumang dalawang nagtutunggaling isyu. Ngunit hindi lamang ito ang usapan, ang diin ay kung wala at ayaw mong pumanig, nasa kampo ka ng mapaniil.
Dahil sangkot ka sa buhay ni John Denver. Sa iyong pag-upo sa sinehan, nararamdaman mo ang inis, hirap, at higit, pagkakasala dahil sa kabuuan ng pelikula, wala kang ginawa."
Subalit hindi nabantayan ang aspetong ito sa personal na buhay ni John Denver dahil hindi sila abot ng mga impormasyong patungkol sa mental health. Kung kaya hindi nagpanggap ang pelikula na mental health ang paksa nito.
Dahil bahagi ito ng mas malaking suliraning panlipunan. Matapang na tumugon ang nanay ni John Denver salungat sa paratang sa kaniyang anak—patunay na bagaman lagi’t laging pinagsasamantalahan ay hindi kailanman upos ang paglaban.
Hindi na naiwan sa isipan ang tunay na kumuha ng iPad o kung totoo nga bang may aswang, dahil yayakapin mo ang kwento ni John Denver, yayakapin mo ang bata nang hindi lamang lumuluha kundi nang nakakuyom din ang palad.
ayon sa kwento ni Rex Menard Cervales
No comments:
Post a Comment